Sa upcoming episode ng “Your Honor,” may mga pasabog ang batikang aktres na si Alessandra De Rossi, kabilang ang puna sa kaniya na mahirap umano siyang katrabaho.
“‘I’m difficult,’ sabi nila,” kuwento ni Alex sa teaser ng upcoming episode nang tanungin ng mga host na si Chariz Solomon at Buboy Villar.
Ayon kay Alex, may hiningi siya noon sa kaniyang mga katrabaho bago niya tanggapin ang proyekto.
“Humihingi ako ng backstory ng character ko bago ko tanggapin ‘yung show,” kuwento ng aktres, bagay na hindi umano ibinigay sa kaniya.
“Sa kaniya difficult, sa utak niya mag-isip ng backstory,” sabi ni Alex.
Ipinaliwanag din niya na tinatanggihan niya ang proyekto kapag may ipagagawa sa kaniya na hindi niya kayang gawin.
“Minsan nga title lang ayaw ko na eh. Kasi ang ganda ng mga title sa pelikula tapos biglang ‘Tuli.’ Ano ba?,” kuwento ng aktres.
Bukod dito, natanong din si Alex tungkol sa kaniyang insecurities.
“Plano kong magpa-boobs kapag 50 na ako. Ang tagal kong natural, guys. I earned my place,” aniya.
Ayon pa sa kaniya, gusto niya ring maging “Samantha Washington” ang kaniyang pangalan.
Mapanonood ang bagong episode ng “Your Honor” sa Sabado, pagkatapos ng 'Pepito Manaloto' sa YouLOL YouTube channel. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
