Ibinahagi ng Sexbomb Girls member Sunshine Garcia na sinusuportahan nila ng kaniyang mister na si Bulacan Vice Governor Alex Castro ang isa’t isa sa mga pinagkakaabalahan at hilig nila sa buhay.
Sa kaniyang guesting sa "Unang Hirit" nitong Biyernes, tinanong si Sunshine kung sino ang may huling desisyon sa kanilang mag-asawa.
“Depende ‘yan. Kasi pagka may kailangan kaming desisyon na talagang malaking bagay, parehas, ‘yung opinyon niya, opinyon ko, pinagsasama namin. Hindi puwedeng ako kaagad ang masunod o siya. Kasi baka mamaya meron akong nakikita na hindi ko—dahil gusto ko ako masunod, ‘yung reason niya, hindi ko na nakikita. Depende ‘yun eh. Nagjo-join kaming dalawa kung ano ‘yung tamang desisyon para doon,” sabi niya.
Gayunman, sinabi ng SexBomb Girls member na pagdating sa mga responsibilidad sa bahay, siya na ang namamahala.
“Pero pagdating sa bahay, automatic ako ‘yun. Magluluto, ulam, grocery, automatic ako ‘yun,” ani Sunshine.
Nang tanungin kung gaano sila kasuporta sa isa’t isa sa mga personal nilang pinagkakaabalahan, sinabi ni Sunshine na hindi niya sinusubukang kontrolin ang karera sa politika ng kaniyang asawa, kahit na maaaring maging kumplikado ang serbisyo publiko.
“Parang sa kaniya, bilang public servant siya, gusto niya talaga sa politics. Hindi ko puwedeng kontrolin na ‘Wag, ayoko.’ Although magulo talaga ‘yung buhay niya, ‘yun ‘yung gusto niya,” sabi ni Sunshine.
Dagdag niya, passion ni Alex ang politika, gaya naman ng kaniyang hilig sa pagsasayaw at pagpe-perform.
“Same sa akin na ito ‘yung passion ko, pagsasayaw, ito ‘yung grupo ko, ‘Puwede ko ba mabalikan sandali?’ Parehas naming sinusuportahan ‘yung gusto namin. Kasi hindi ito ownership na, ‘Ay hindi puwede,’ ‘Huwag mong gawin ‘yan,’ ‘Hindi ka dapat ganito,’ ‘Hindi ka dapat ‘yun.’ Hindi ganu’n eh. So nagbibigayan kaming dalawa. Mas maganda ‘yung parehas ‘yung sinusuportahan kung ano ‘yung gusto ng isa't-isa,” sabi pa niya.
Ikinasal sina Sunshine at Alex noong Marso 2019. Mayroon siyang tatlong anak, na sina Axel, Alexander, at ang kanilang bagong silang na anak na si Alynna. Ang mag-asawa ay magulang din ng dalawang nakatatandang anak na lalaki, na sina Ching at Ashton.
Sa reunion concert ng SexBomb Girls, naroon si Alex upang ipakita ang kaniyang buong pagsuporta kay Sunshine, na lubos niyang ikinatuwa at ipinagpapasalamat.—FRJ GMA Integrated News
