Ibinahagi ni Derrick Monasterio na may kinakausap pa siyang ibang mga babae habang nakikipagmabutihan siya kay Elle Villanueva. Hanggang sa makita niya ang kahalagahan ng dalaga kaya itinigil na niya ang pakikipagkita sa ibang babae.
Sa guesting nila sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, binalikan nina Elle at Derrick kung paano nabuo ang kanilang seryosong relasyon.
Pag-amin ni Derrick, nagpapadala na siya noon ng mga mensahe kay Elle, bago pa sila personal na magkita sa isang workshop.
“Before kami mag-workshop, minessage ko siya sa Instagram… Kaso hindi akong ni-reply-an,” kuwento ni Derrick.
“Nagreply siya sa story ko ng mga emoji na hot, ganiyan. Hindi ko siya pinapansin kasi may boyfriend ako noon,” sabi naman ni Elle.
Kalaunan, napa-reply din si Elle kay Derrick ng, “Andiyan ka na ba sa workshop?” na ikinatuwa ng binata.
Pero hirit ni Elle kay Derrick, “Feeling ka talaga. Alam mo, kumalma ka.”
“Nag-message lang ako, Tito Boy, kasi gusto ko sanang mag-cancel kasi wala akong tulog. Galing akong taping that time. So tinatanong ko, ‘Tuloy ka ba?’ Kasi kung hindi ka tuloy, hindi na din sana ako [tuloy],” paliwanag niya.
Dagdag ni Elle, mahilig pa mag-akala si Derrick noon na may gusto siya rito.
“Pero feeling niya, ngayon na nag-uusap kami, akala niya type ko siya. My gosh, what?” anang dalaga.
Umamin si Derrick na nakikipag-close siya kay Elle noon kahit may kinikilala pa siyang ibang babae.
“Before, Tito Boy, noong time na parang nagiging close na kami. Kasi siyempre, bata pa ako, lumalandi pa ako sa iba. Tapos nagagalit siya sa akin. Wala kaming label. Ang sama ko sa kaniya nu’n,” pag-amin ng binati.
Kaya nang mabisto ni Elle, hindi na siya pinansin nito, at doon niya napagtantong may gusto siya sa dalaga.
“Kasi lagi kaming nag-uusap. Tapos hindi niya ako kinausap. Bigla na lang siya na hindi nag-message sa akin. Tapos doon ko na-realize na, ‘Hala, mas gusto ko pala ito. Ititigil ko na itong mga ginagawa ko,’” ayon sa aktor.
Si Elle naman, wala nang dine-date na ibang lalaki noong kausap na niya si Derrick pero wala pa silang relasyon.
“No, I wasn't. Hindi ko kaya. Pero, kasi that time, nagbibigay siya ng mga signals na 'yung hino-holding hands niya ako. Tapos, ‘Bakit?’ Naisip ko, ‘Ano ‘to? Method acting?’ Gusto niya parang kami. Behind the scenes sobrang sweet niya. Binibilhan niya ako ng kung ano-ano. Talagang parang nanliligaw,” sabi ni Elle.
“Pero pagdating sa labas, makikita ko, ‘Ay, may kasama siyang ibang girl.’ So sabi ko, Okay sige, I'll play your game, ‘Ikaw ang mahuhulog sa akin.’ Hindi ko siya pinansin. Ayan, nahulog. Hindi ko siya pinansin,” pagpapatuloy ni Elle.
Dagdag ni Elle, nakikipagkita noon si Derrick sa “maraming” babae bago naging sila. Kaya hinintay muna niyang maging sinsero ang binata sa panliligaw sa kaniya.
“And then, nag-message siya. Long message. Hindi ko pa rin pinansin. Bahala ko sa buhay mo. Tapos, hanggang sa, parang sincere na talaga siya na ‘I'll do everything. Magbabago ako.’ and all that. Siyempre, hindi pa rin ako naniwala. Sabi ko, sige, try natin. One week, ‘I'll give you a chance.’ Pero hindi pa rin ako buong-buong loob na bumalik sa kaniya,” kuwento ni Elle.
Pero si Derrick, sinabing binago na niya ang sarili.
“Tito Boy, to be fair, nu’ng sinabi ko ‘yun, complete turn around talaga,” sabi niya.
“Siguro that time, hindi ko pa talaga nakikita ‘yung totoong value ni Elle noong time na ‘yun.
Pero, noong nakita ko na, I got to know her a little deeper. Doon na ako nagbago na talaga,” pag-amin ni Derrick.
Bibida sina Derrick at Elle sa upcoming Kapuso Afternoon Prime drama na "Apoy Sa Dugo," kasama si Ashley Ortega. Magsisimula na ito sa Marso 2 ng 4:05 p.m. sa GMA Network. -- FRJ GMA Integrated News
