Nauwi sa trahediya ang paliligo sa ilog ng apat na estudyante—kabilang ang magkapatid—nang malunod ang dalawa sa kanila, habang patuloy na hinahanap ang isa pa.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa isang ilog sa Barangay Caturay nitong Huwebes.
Dalawa sa mga biktima ang magkapatid na anak ni Jaime Austria, na hindi umano niya alam na maliligo pala sa ilog matapos na magpaalam na may katatagpuin na mga kaeskuwela.
Nakaligtas ang isang anak ni Austria na nagpapagaling sa ospital, habang patuloy na nawawala ang isa pa niyang anak.
“Mahirap mawalan ng anak… yung asawa ko, masakit ang ulo, hindi niya matanggap,” saad ni Austria.
Samantala, nakuha naman kahapon ang katawan ng isang biktima, habang isa pa ang natagpuan nitong Biyernes ng umaga.
Ayon kay Rey Palisoc, officer-in-charge ng Sanlibo National High School, dumalo sa foundation day activities ang tatlong estudyante noong umaga pero hindi na dumalo sa klase sa hapon.
Wala pang pahayag ang mga awtoridad sa nangyaring insidente. – FRJ GMA Integrated News
