Inihayag ni Alvin Aragon ang kaniyang pananaw tungkol sa mga sinabi ni Quezon City Representative Bong Suntay tungkol kay Anne Curtis, at sinabing dapat manamit nang maayos ang mga kababaihan para maiwasan ang “sexual desire.” May reaksyon naman ang trans woman na si Sofia Trazona sa mga inihayag ng kaniyang stepdad na si Alvin.
Sa kaniyang Instagram, inilahad ni Alvin na nariyan ang pagnanasa, lalo na kapag nakikita umano ang mga pribadong parte ng katawan.
“Kahit hindi si Anne ang tinitignan mo ng may pagnanasa may mag iinit sa loob mo, Lalo na kapag nakalabas pa ang cleavage mo at legs,” sabi ni Alvin.
Dahil dito, hinikayat niyang protektahan ng mga kalalakihan ang kanilang asawa. Ang mga Pinay naman, dapat umanong manamit nang maayos para maiwasan ang pagnanasa.
“Kaya Filipino men protect your wife may ‘Sin of lust’ kasi. [A]nd Filipino women dress modestly to avoid sexual desire. ‘Kasi nga may Sin of lust,” saad ng dating aktor.
Para sa kaniya, ang Panginoon lamang ang daan para maalis ang pagnanasa o lust.
“Alam nyo mahirap talaga yan iwasan si Jesus lang ang makakatulong sayo ma overcome yan,” sabi ni Alvin, na nagbanggit ng talata na mainam na “alisin” ang isang mata na dahilan ng pagkakasala, kaysa kumpleto ang mga mata pero napunta naman sa impiyerno.
Inalmahan ito ni Sofia, na ibinahagi sa kaniyang Facebook ng mga pahayag ng kaniyang stepfather na si Alvin.
"Ang dumi mag-isip ah walang respeto sa babae," sabi ni Sofia, anak ni Izzy, na asawa ni Alvin.
Nag-post din si Sofia na sumasayaw habang naka-crop top.
"Crop top tayo dedma sa madumi mag-isip," sabi pa niya.
Si Sofia ay anak ni Izzy sa dating partner na si Michael Navarro.
Umani ng pagbatikos kamakailan si Suntay dahil sa kaniyang mga pahayag tungkol kay Anne sa isang pagdinig ng House Justice committee kaugnay sa reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
“Alam n’yo minsan, minsan nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis, ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na, nag-init talaga, na-imagine ko na lang kung ano’ng pwedeng mangyari pero siyempre hanggang imagination na lang ‘yon. Pero ‘di naman siguro ako pwedeng kasuhan kung ano ang na-imagine ko eh,” sabi ni Suntay, na humingi ng paumanhin kinalaunan tungkol sa kaniyang sinabi.
Samantala, umani rin ng puna noong nakaraang buwan si Alvin dahil sa mga komento niya tungkol kay Izzy at sa dating girl group nito na SexBomb Girls sa pagsusuot ng sexy costume ng grupo. -- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

