Inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno ngayong Miyerkules na ititigil na muna ang kanilang programang “Libreng Sakay” sa lungsod simula sa Huwebes, Abril 9, 2026.
Sa isang pahayag, sinabi ng alkalde na pag-aaralan at susuriin muna ng Manila-LGU ang naging epekto ng programa upang alamin ang mga susunod nilang hakbang at matiyak na mas marami mamamayan ang makikinabang.
Ngayong Miyerkoles, Abril 8, ang huling araw ng Libreng Sakay na ipinatupad noong Marso 30, 31, at Abril 6, 7.
Ipinatupad ang programa sa harap ng krisis sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Layunin nito na matulungan ang kabuhayan ng mga tsuper at operator ng mga jeepney sa pamamagitan ng pag-arkila o pagbayad sa kanila ng lokal na pamahalaan upang makapasada. Kasabay nito, matulungan din ang mga pasahero sa libreng pamasahe.
Mula Marso 30 hanggang April 7, inilahad ng Manila-LGU na umabot sa mahigit 716,000 na pasahero ang nakinabang sa programa.
Hanggang 2:00 pm naman nitong Miyerkules, inihayag ng lokal na pamahalaan na nasa 103,953 ang mga pasahero ang nakinabang sa programa na tatagal hanggang mamayang gabi.
Nauna nang sinabi ni Moreno na maaaring mapalawig ang programa depende kung mayroong makapagkukunan ng pondo na ipambabayad sa mga jeepney na makikibahagi sa Libreng Sakay. –FRJ GMA News

