Sa kabila ng kanilang sunod-sunod na opportunities at busy schedule, nakapaglaan pa rin sina Caprice Cayetano at Heath Jornales ng bonding time sa mga kapwa nila “PBB: Celebrity Collab Edition 2.0” housemates.

Sa Chika Minute report ni Athena Imperial sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing thankful si Caprice sa magandang feedback sa kaniyang feature sa isang lifestyle and fashion magazine.

“Sobrang creative po ng pictures ko doon. Makikita niyo po 'yung iba't-ibang style doon,” ani Caprice.

Inanunsyo na ang pagbibidahang series ng “CapEath” na “You're My Favorite Song” series, kung saan makakasama nila ang kapwa PBB alumni na sina Marco Masa at John Clifford.

Bukod kay Heath, may time rin si Caprice na maka-bonding ang kanilang ibang housemates.

“Napakasaya ko po na tuwing makakasama ko po 'yung mga ex-housemates dahil sobrang lakas na po ng bond po namin sa bahay. Tapos ngayon, mas masaya pa po na nakakasama ko sila in the outside world,” sabi ni Heath.

“Open na open po ako na maka-work silang lahat. Ngayon po ang masasabi ko lang po ay abangan ‘yun na lang po 'yung mga hinahanda naming shows soon,” sabi ni Caprice. — Jamil Santos/VBL GMA News