Inaresto ang isang rider at kaniyang angkas matapos silang tumakas sa checkpoint ngunit sumemplang sa Pasig City. Ang mga suspek, nahulihan pa ng mga baril at granada.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood na halos mahagip ng motorsiklo ng mga suspek ang kasalubong na isa pang motor sa Barangay Kapitolyo bandang 2 p.m. ng Biyernes.
Kalaunan, na-out of balance ang rider at sumemplang sila sa kalsada.
Nakasunod naman sa kanila ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit matapos umano silang tumakas sa Oplan Sita.
"Noong nakita ng ating BSF at ating mga pulis na may pumasok sa Barangay Kapitolyo na paikot-ikot na wala namang purpose, wala namang objective bakit paikot-ikot.... Sakto dumaan ngayon itong riding in tandem sa ating location ng Oplan Sita. So sinita ng ating mga kapulisan. Sa halip na hihinto, tumakbo," sabi ni Colonel Hendrix Mangaldan, Pasig City Police Chief.
Matapos maabutan ng pulisya, pinadapa ang dalawang lalaki at hinuli. Dalawang kargadong baril, isang hand grenade at tatlong sachet ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa kanila.
“Naka-recover din tayo ng mga carnapping paraphernalia — 'yung mga improvised na fuse kung saan kapag sinaksak nila 'yan sa motor na kanilang nanakawin, aandar ito, at pati mismo 'yung motor na gamit nila, lumalabas na carnapped vehicle,” sabi i Mangaldan.
Lumabas sa mga record ng pulisya na dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa ilegal na droga at paglabag sa Anti-Carnapping Act.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong disobedience to a person in authority, reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property, illegal possession of firearms at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — Jamil Santos/VBL GMA News
