Humingi ng paumanhin si Senador Juan Miguel "Migz" Zubiri sa pamilya ng namayapang entertainment journalist na si Lourdes Carvajal, na mas kilala sa tawag na Inday Badiday.

“Sa buong pamilya of the late Inday Badiday, I am sincerely sorry for mentioning her name during my manifestation sa Senado. Slip of the tongue po iyon in the middle of a heated debate, and I take full responsibility because I should have been more careful with my words,” saad ni Zubiri na naka-post sa kaniyang Facebook page.

Nilinaw din ng senador na iginagalang niya ang namayapang entertainment journalist, na kilala sa mga showbiz talk show nito na “See True” at “Eye to Eye” na napanood sa GMA noong 1980s at 1990s.

“Like many from my generation, lumaki rin po ako na nakikita siya sa TV, bahagi siya ng pop culture natin and she was loved by so many Filipinos. Lovable talaga siya, with her own charm, wit and warmth, and I fully recognize her contribution to Philippine television, entertainment journalism and media,” ayon kay Zubiri.

Nitong Lunes, nabanggit ni Zubiri ang pangalang “Inday Badiday” sa kainitan ng diskusyon sa plenaryo ng Senado tungkol sa video presentation ni Sen. Imee Marcos na may niluluto umanong Charter change at term extensions si Sen. Tito Sotto, na lider ng minorya, na kinaaaniban ni Zubiri.

Pinabulaanan ni Sotto ang alegasyon ni Marcos, at hiniling ni Zubiri na alisin sa record ng Senado ang video presentation na inilarawan niyang “horrible propaganda.”

“Inday Badiday na ba tayo (rito) sa Senado? Kaya nga sinasabi, ‘we’re circus.’ I apologize to those who are watching. We are a circus because (of) this type of language that we are pushing in this caucus chamber. It’s unparliamentary,” ani Zubiri.

Sa kaniyang pahayag ngayong Martes, sinabi ni Zubiri na wala siyang intensiyon na dungisan ang alaala ni Inday Badiday, at naglabas lang umano siya ng saloobin tungkol sa video na ipinakita sa sesyon.

“I never meant to disrespect her memory or reduce her legacy to politics,” ani Zubiri, at idinagdag pa na: “Tama si IC Mendoza, dapat hindi na nadamay ang lola niya sa usaping pulitika. Kaya muli, I apologize deeply to the family and I will be more mindful moving forward.” -- FRJ GMA News