Inihayag ni Ryan Bang na single siya ngayon, kasabay ng pagkumpirma na hiwalay na sila ng ex-fiancée na si Paola Huyong.
Sa pinakabagong vlog ni Vice Ganda sa YouTube, ibinahagi ni Ryan ang nangyari sa kanilang relasyon ni Paola na humantong sa hiwalayan.
"Tinry ko eh, tinry ko na ayusin. Kasi alam ko, nung panahon na 'yon, hindi ko maintindihan, ba't 'di umabot nang ganito," saad ng host ng "It's Showtime."
"I was trying, I was hoping, I was praying na maayos," dagdag niya.
Ayon kay Ryan, hindi niya inaasahan na mangyayari ang hiwalayan at naniwala siyang maaayos pa ang kanilang relasyon.
"Siyempre sa relationship, meron din akong kasalanan pero I never cheat. Hindi totoo 'yun, 'yung sinasabi ng mga tao," ayon kay Ryan.
"I never cheat," pagdiin pa niya. "Even before, I never cheat. Hindi ako ganon. Serious din ako sa relationship."
Inamin naman ni Ryan na mayroon siyang mga pagkukulang at pagkakamali sa kanilang relasyon ni Paola.
"Siyempre sobrang grateful pa rin ako kasi sobrang bait 'yung pamilya hanggang ngayon, lalo na 'yung magulang niya," saad niya.
Sa huli, naniniwala si Ryan na nakaapekto sa kanilang relasyon ni Paola ang pagkakaiba ng kanilang kultura.
"Magkaiba pala 'yung paniniwala, magkaiba pala 'yung gawi, tsaka magkaiba pala thinking lalo na pagdating sa marriage," sabi ng TV host.
Matapos umano niyang kausapin ang magkabilang pamilya, nakita raw ni Ryan ang mga palatandaan na kailangan na niyang bumitaw.
"Talagang tigil ang mundo. Sobrang hirap. Sobrang pagsisisi nung lahat," ani Ryan, na sinabing iyon ang pinakamahirap at madilim na bahagi ng kaniyang buhay.
Isinapubliko ni Ryan ang kaniyang relasyon kay Paola noong 2023. Tinawag niya itong “The One” at “my forever Filipina.”
Noong Hunyo 2024, inanunsyo nila ang kanilang engagement at nakilala ni Paola ang mga magulang ni Ryan.
Noong Setyembre 2025, kumalat sa social media ang mga usap-usapang naghiwalay na sila matapos alisin ni Paola sa Instagram ang kanilang mga engagement photos.
Noong Nobyembre 2025, nakita si Ryan sa pop-up booth ni Paola sa Escolta, Maynila.—Nika Roque/FRJ GMA News

