Matapos bigyan ng babala ni Senador Alan Peter Cayetano si Senador Sherwin Gatchalian na mag-ingat upang hindi magamit ng Malacañang, bumuwelta naman ang Palasyo at nagbabala sa publiko laban sa "tao" na nagpapanggap na banal. Gayunman, nilinaw ng opisyal na wala siyang partikular na tao na pinatutungkulan ng kaniyang sinabi.

Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, na dapat itigil ni Cayetano ang pag-astang biktima sa nangyayaring sigalot sa liderato ng Senado.

Giit ni Castro, marami ang naging “biktima” sa nangyayari sa Senado, at naganap sa ilalim umano ng liderato ni Cayetano.

“Sana ‘wag kumilos ang opisyal na parang siya pa ang biktima,” ayon sa opisyal.

“Ang sinasabi ay mag-ingat sa Malacañang, mas mag-ingat po ang taumbayan sa mga taong nagkukunwari at nagpapanggap na banal,” dagdag niya.

Nilinaw ni Castro na wala siyang partikular na taong pinatutungkulan pero wala daw siyang magagawa kung magiging apektado si Cayetano.

Kilala si Cayetano sa pagbabanggit ng mga nakasaad sa Bibliya sa kaniyang mga pahayag maging sa Facebook live.

Sa kaniyang Facebook live nitong Sabado, sinabi ni Cayetano na dapat mag-ingat si Gatchalian lalo pa’t maganda ang kinabukasan ng huli.

“Huwag kang magpagamit sa Malacañang at doon sa mga kasamahan mo kahit binibigyan ka ng high position,” paalala ni Cayetano.

Kapuwa inaangkin nina Cayetano at Gatchalian na sila ang lider sa Senado. — FRJ GMA News