Nahuli-cam ang pamamaril sa isang radio broadcaster habang nasa sasakyan at patungo sa trabaho sa Roxas City, Capiz nitong Lunes ng umaga.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, makikita sa video footage ang isang lalaki na binabaril ang sasakyan na minamaneho ng biktimang si Jay Lavapiez sa Barangay Cagay.
Sumampa sa bangketa ang sasakyan ni Lavapiez at tumigil, habang tumakas naman ang salarin.
Sa kabutihang-palad, ligtas at hindi tinamaan ng bala si Lavapiez.
Ayon sa broadcaster, may mga kasong cyber libel na isinampa laban sa kaniya dahil sa ginagawa niyang pagsisiwalat sa katiwalian.
Hinala niya, may nais magbigay sa kaniya ng mensahe na manahimik upang huwag nang ilantad ang korapsyon.
Sa isang pahayag, kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang nangyaring tangkang pagpatay kay Lavapiez.
Ayon sa PTFOMS, nakikipagtulungan sila sa Philippine National Police Media Vanguards sa isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
“We condemn all acts of violence and intimidation against journalists and assert that such actions have no place in a democratic society,” ayon sa pahayag.—FRJ GMA News
