Nananatiling “gratis” o walang bayad ang temporary visitor visa para sa mga Pilipino, ayon sa pahayag ng Embahada ng Japan sa Maynila nitong Huwebes.

Ang anunsyo ng embahada ay kasunod ng pahayag ng pamahalaan ng Japan na tataas nang limang beses ang bayad para sa single-entry visa ng mga dayuhang mamamayan, na mula 3,000 yen (humigit-kumulang ₱1,170) patungo sa 15,000 yen (mga ₱5,850), para sa mga aplikasyon na isusumite simula sa Hulyo 1.

“Please note that a temporary visitor visa (for a stay of a maximum of 90 days) for a Philippine national remains gratis,” saad ng embahada ng Japan sa kanilang website at Facebook page.

Inanunsyo rin ng Embahada ng Japan sa Maynila na ang “Cabinet Order on Fees Collected by Consular Officers,” na nagtatakda ng mga bayarin sa visa ay inamyendahan at magkakabisa sa Hulyo 1, 2026.

“For visa applications accepted at overseas diplomatic missions on or after that date, the fee, converted into Japanese yen, will be approximately 15,000 yen for a single-entry visa and approximately 30,000 yen for a multiple-entry visa,” ayon sa embahada.

“As a general rule, payment shall be made in the local currency of the country (region) where the Embassy or Consulate-General of Japan issuing the visa is located,” dagdag nito.

Ayon pa sa embahada, maaaring hindi kailanganin ang bayad o maaaring magkaiba ang halaga nito depende sa layunin ng pagbisita at nasyunalidad ng aplikante.

“If a visa is not issued, no visa fee will be charged. Please note that if you apply through an agency approved by the Embassy or Consulate General of Japan, a separate handling fee charged by the agency will apply, in addition to the visa fee in the event a visa is issued,” ayon sa Japanese embassy. – FRJ GMA News