Naging bukas si BB Gandanghari sa pagsagot nang tanungin tungkol sa dati niyang asawa na si Carmina Villarroel sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.
Ayon kay BB, wala silang komunikasyon ni Carmina kaya hindi niya masasabing magkaibigan sila dahil sa kawalan nila ng ugnayan.
Gayunpaman, sinabi ni BB tungkol kay Carmina na, "She always has that special place in my heart, I think."
Ikinuwento rin niya na bago siya lumipat at manirahan sa Estados Unidos, magkapitbahay sila ni Carmina.
"We saw each other in the gym and that was the time when we were able to exchange hellos," saad niya.
"I've always looked forward na makita siya ulit," dagdag ni BB.
Sa parehong panayam, ibinunyag ni BB na bumalik siya sa Pilipinas dahil sa usapin sa kaniyang kalusugan matapos matuklasan na may bara ang kaniyang puso.
Noong nakaraang taon, nagtapos siya bilang summa cum laude sa Los Angeles Film School, kung saan natapos niya ang kursong Bachelor of Science in Entertainment Business.
Samantala, kasal si Carmina kay Zoren Legaspi at mayroon silang kambal na anak na sina Mavy at Cassy. Kamakailan lamang ay magkasama silang gumanap bilang isang pamilya sa GMA Afternoon Prime series na "Hating Kapatid." —Nika Roque/FRJ GMA News

