Nasawi ang isang 44-anyos na tindero matapos siyang pagbabarilin sa kaniyang tindahan na nasa tapat ng eskuwelahan sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakapuwesto noon ang biktima sa kaniyang tindahan, saka siya nilapitan ng riding-in-tandem at pinagbabaril.

Dinala ang biktima sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay. Nakatakas naman ang mga salarin.

Sinabi ng pulisya na kasama sa mga tinitingnang motibo sa krimen ang away sa lupa o away sa mga kapwa vendor.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Nagsasagawa na ng CCTV backtracking ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. – Jamil Santos/FRJ GMA News