Isang municipal councilor sa Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM) ang nasawi matapos siyang pagbabarilin habang bumibili ng gamot sa botika. Nangyari ang krimen kasabay ng pagsisimula ng election period nitong Huwebes, Hulyo 16, 2026 para sa kauna-unahang Bangsamoro parliamentary elections.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Nasser Dalandang, 37-anyos, konsehal ng Kadayangan, SGA.

Nangyari ang pamamaril sa Barangay Salunayan, Midsayap, Cotabato dakong 3 p.m.

Ayon sa Police Regional Office-SOCCSKSARGEN (PRO-12), bumibili umano ng gamot ang biktima sa isang botika nang lapitan at pagbabarilin ng isa sa mga armadong salarin, na agad na tumakas matapos ang pamamaril.

Naisugod pa sa ospital si Dalandang ngunit idineklara siyang dead on arrival.

Ilang basyo ng bala mula sa isang handgun ang nakita ang mga awtoridad sa crime scene.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin, at motibo sa krimen.—FRJ GMA News