Nagkomento si Diego Llorico, binansagang “Pambansang Bading,” tungkol sa pagtukso sa kaniya na “kabayo” at kung bakit hindi siya naging content creator na gaya ng ginagawa ng ibang komedyante. Alamin.
Sa kaniyang nakaraang guesting sa Kay Susan Tayo! Vlogs ni Susan Enriquez, ipinaranggo si Diego tungkol sa kung sino sa mga komedyante na sina Vice Ganda, Michael V, Vic Sotto, Ai Ai delas Alas at Rufa Mae Quinto ang pinaka-nakakatawa.
Sa halip na sumagot, mas pinili na lang ni Diego na uminom ng suka bilang consequence sa hindi niya pagsagot.
Noong nagsisimula sa showbiz, hindi ang kaniyang pagiging bakla ang pinuna kay Diego. Ayon sa kaniya, naka-relate siya kay Vice dahil pareho silang binibiro na “kabayo.”
“Actually, hindi ‘yung pagiging bakla, e. Ano nga, nguso. Kabayo. Kabayo ‘yung madalas dati. Si Vice din naman gano'n din naman ‘yung [tinatawag] sa kaniya,” paliwanag niya.
“Pero feeling ko, parang parehas lang naman kami ni Vice, na trabaho lang, hindi naman gustong mang-offend,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Diego na hindi niya nakita ang sarili na maging isang content creator gay ani Diwata.
“Parang hindi ako para doon. Kasi, baka hindi ko rin matantiya ‘yung mga basher, masagot ko,” sabi niya.
Ipinagtanggol niya si Diwata, na nakatanggap ng pamba-bash online.
“Kasi nakita ko rin ‘yung mga comment kay Diwata eh. Kahit nu’ng nag-basketball kami, meron sa likod, walang tigil sa kaba-bash sa kaniya. ‘Hoy, Diwata ang laos na ‘yung pares mo,’” aniya.
Ayon sa kaniya, hindi rin siya nakaliligtas sa bashers.
“‘Pag ako nga, kahit nu’ng nagla-live ako sa Bigo, nag-livestream ako eh. ‘Ay, wala ka na sa Bubble Gang, laos ka na,’” saad niya.
Sagot ni Diego sa basher, “Sabi ko, unang-una, hindi po ako sumikat.”
Papaano nga ba napasok sa showbiz si Diego sa showbiz at nabansagang “Pambansang Bading?” Alamin ang buong panayam sa video. Panoorin. – FRJ GMA News
