Habang may mga lugar na suspendido ang klase dahil sa nararanasang matinding pag-ulan sa bansa, kinansela rin ng lungsod ng Bislig sa Surigao del Sur at sa Cagayan De Oro ang pasok sa kanilang mga paaralan dahil naman sa matinding init ng panahon.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing kinansela ang klase pagsapit ng tanghali kanina dahil sa mataas na heat index na umabot sa 42 degrees Celsius, na nakasaad sa Memorandum Order na inilabas ni Mayor Florencio Garay.

Sa naturang temperatura, itinuturing mapanganib ito at maaaring magdulot ng malubhang panganib sa kalusugan ng mga estudyante at school personnel.

Gayunman, pinayagan ang mga klase na magpatuloy sa gabi, maliban na lamang kung may bagong kautusan o anunsyo mula sa mga awtoridad.

Sa Facebook post ng alkalde nitong Miyerkoles ng gabi, idineklara na kanselado pa rin ang klase sa mga paaralan sa lahat ng antas, pribado at publiko sa Huwebes.

Sa panibagong memorandum order ni Garay, posible umanong umabot sa 43°C hanggang 45°C ang heat index sa lungsod sa Huwebes.

Hinikayat naman ang mga paaralan na magpatupad ng alternative learning modalities.

Nag-post din ang lokal na pamahalaan ng tips ng mga dapat gawin ng publiko upang maprotektahan ang sarili laban sa matinding init ng panahon.

Nitong Miyerkoles ng gabi, nag-post naman ang Cagayan de Oro City Information Office ng anunsiyo na suspendido rin ang klase sa mga paaralan sa kanilang lugar sa Huwebes at Biyernes (August 13 at 14, 2026) dahil din sa matinding init.

“Due to the high heat index monitoring by PAGASA-Mindanao PRSD in it’s Laguindingan Airport, Misamis Oriental Station as of August 12, 2026, with a 2-day forecast of 43 degrees celsius (DANGER CLASSIFICATION) for August 13 and 14, 2026, CDO City Mayor Rolando ‘Klarex’ Uy will suspend classes in all public schools from pre-school to high school levels on Thursday and Friday, August 13 and 14, 2026, respectively,” saad sa post.

Ipinauubaya naman sa pamunuan at mga principal ang suspensiyon ng klase sa private pre-school hanggang high school levels at maging sa higher education institutions (HEI's). -- FRJ GMA News