Dahil sa pag-atake ng bandidong grupo na Maute group sa Marawi City, isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Martial Law o Batas Militar ang buong Mindanao sa loob ng 60 araw. Kilala ba ninyo ang iba pang pangulo na nagdeklara rin ng batas militar?

Disyembre 4, 2009 nang ianunsyo ng noo'y executive secretary na si Eduardo Ermita, ang paglikha ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng Proclamation No. 1959 na nagdedeklara ng martial law sa buong lalawigan ng Maguindanao sa loob ng 60 araw.

Ginawa ito ni Arroyo kasunod ng nangyaring "Maguindanao massacre" na may 57 sibilyan ang nasawi, na kinabibilangan ng 34 na mamamahayag.

Inalis din ni Arroyo ang idineklarang batas militar sa Maguindanao pagkaraan ng isang linggo.

Setyembre 21, 1972 naman nang isailalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang buong bansa sa batas militar sa pamamagitan ng Proclamation No. 1081 dahil sa banta umano ng rebelyon.

Inalis ni Marcos ang kaniyang martial sa pamamagitan ng isang talumpati noong Enero 17, 1981.

Sa pamamagitan naman ng Proclamation No. 29, nagdeklara rin ng batas militar sa buong bansa si dating Pangulong Jose P. Laurel noon Setyembre 21, 1944 dahil sa basehan na, "danger of invasion being imminent and the public safety." -- FRJ, GMA News