Dahil mapapasabak sa mga action scene para sa kaniyang sexy villain role sa upcoming GMA series na "Super Ma'am," sumailalim sa martial arts training ang Kapuso Pantasya ng Bayan na si Kim Domingo.
Ipinasilip ni Kim sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes ang unang araw ng kaniyang martial arts training na kinabibilangan ng karate, kung fu, at ilang stunts.
"Para ito du'n sa character ko bilang Mabel na kapatid ni Minerva dito sa Super Ma'am. So ang role ko kasi dito, palaban, magaling akong makipag-laban," kuwento niya.
Ayon pa kay Kim, mapakikinabangan niya ang natutunan niyang mga martial arts moves, hindi lang para sa nabanggit na proyekto kung hindi maging sa oras na malagay siya sa alanganing sitwasyon.
"'Di ba usually napapanood ako ng mga tao, drama at comedy lang, at least ngayon, magagamit ko rin siya," anang aktres. "Ang mga babae dapat tinuturuan daw ng mga martial arts para mas maproteksyunan din yung kanilang mga sarili."
Excited na raw si Kim na sumabak sa aktingan sa taping para sa "Super Ma'am," dahil gusto niyang makaeksena ang idolo niyang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.
"Ngayong week pa lang ako mag-start ng taping so very excited, at the same time, kinakabahan," pag-amin ni Kim.
"Na-star struck ako kay ate [Marian], sobrang bait. Tapos babatiin ko pa lang siya, nakangiti na siya agad. Very sweet, mahilig siyang mangyakap," kuwento pa ng sexy Kapuso star.
Bukod sa bagong serye, may aabangan din daw ng kaniyang mga tagasuporta ng bagong pelikula na kinabibilangan niya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
