Sa pinakahuling pag-aaral ng World Health Organization, lumilitaw na ang mga pedestrian ang isa sa may pinakamataas na bilang ng mga namatay sa mga aksidente sa kalsada sa buong bansa. Ano nga ang mga dapat gawin para maiwasan ang ganitong peligro? Panoorin ang pagtutok ng programang "Alisto."
Ayon sa isang safety practitioner, kung tumatawid sa kalsada sa gabi lalo na kung umuulan, makatutulong kung may dalang flashlight o anumang uri ng ilaw ang pedestrian para mas madali siyang makita ng motorista.
Dapat maging alisto, maingat sa pagtawid at alamin kung may paparating na sasakyang sa magkabilang linya ng kalsada.
Sa mga motorista, hindi raw dapat tumaas sa 40 kilometer per hour ang takbo ng sasakyan kapag umuulan.
Mas delikado raw ang mga kalsada sa unang 10 minuto ng buhos ng ulan dahil ito ang pagkakataon na humahalo sa ulan ang langis na naiiwan mula sa mga sasakyan sa kalsada kaya nagiging madulas ang daan.
Bukod diyan, dahil umano sa ulan ay nararanasan ng sasakyan ang "hydroplaning" o nababawasan ang friction o kapit ng gulong sa kalsada kaya ito dumudulas.
At kung may makikitang karatula na may pedestrian lane sa kalsadang dinadaanan, dapat magbawas na sa bilis ng takbo ang motorista para kung sakaling may makitang tumatawid sa kalsada. -- FRJ, GMA News
