Na-miss daw ng batikang aktres na si Gladys Reyes ang maging kontrabida, pati ang manampal sa eksena.
"Actually matagal-tagal na po akong hindi nananakit, na-miss ko na actually, nakaka-miss din eh," may halong biro na sinabi ni Gladys sa panayam ng showbiz reporters sa press conference ng "Inday Will Always Love You."
"Nakaka-miss din minsan kasi comfort zone ko 'yon at alam na alam ko naman na manipulahin 'yun eh [eksena]," sabi pa ng aktres.
Gagampanan ni Gladys sa upcoming GMA series ang karakter ni Amanda, ang isa sa mga magpapahirap sa buhay ni Happylou, ang karakter naman ng bidang si Barbie Forteza.
Sa seryeng "Oh, My Mama!" pa raw huling gumanap na kontrabida si Gladys.
Kilala si Gladys sa showbiz industry bilang isang magaling na kontrabida.
"Alam niyo naman ever since nu'ng ni-launch kami sa 'Mara Clara.' Nu'ng itinapak ko na 'yung paa ko as Clara, simula na 'yon, talagang sinabi ko na hindi ko dadayain 'yung tao. Kung gusto nila ng sakitan, at hinihingi naman ng role, ng script, hindi naman tayo para mamersonal," paliwanag niya.
"Pagkatapos nu'n, yakapan, sorry-han, kasi trabaho ito at ayaw din naman nating bigyan 'yung mga manonood, hangga't maari, ayaw ko silang maramdaman na 'Ay, ano ba 'yun? Parang andaya, halata naman,'" patuloy niya.
Sabi pa ni Gladys, "Aminin natin, maraming mga eksenang dayaan na lang, kasi ayaw masaktan 'yung artista, eh part 'yun ng trabaho namin eh, medyo masasaktan ka kung kailangan mong masaktan, 'di ba, para mas genuine."
Ngunit kabaligtaran naman si Gladys sa likod ng camera, dahil sa kaniyang pagiging "bubbly."
"So palagay ko 'yun din 'yung maganda kasi lahat ng inapi ko in the past nagiging kaibigan ko sa totoong buhay," pagmamalaki niya.
Katunayan, kabilang umano si Gladys sa kulitan sa set ng "Inday Will Always Love You," na kasama ang mga artistang mas bata sa kaniya tulad na rin nila Derrick Monasterio, Juancho Trivino, Kim Rodriguez at ang "Lumen Twins" na sina Charisse at Charlotte Hermoso.
"Sa totoo lang, mas maingay pa rin ako sa kanila. Nakakatuwa lang kasi hindi kami 'yung parang hindi sila maka-relate sa akin, hindi," natatawa niyang sabi.
Isa pa nga sa bonding nina Gladys at Barbie ay ang vlogging.
"Masaya kasi nagbe-blend ako sa mga bagets, feeling ko tuloy, hindi pa rin ako masyadong ano... ganu'n pa rin 'yung feeling ko kung paano 'yung edad nila," saad niya.
Patuloy niya, "Kaya dito hindi ko sila bibiguin at ibang brand, kasi siyempre, 'yung bawat soap naman natin we see to it na kahit paano iba na ang atake. Sa totoo lang, na-excite ako kasi off-cam sobrang kabaligtaran 'yung relationship ng buong cast." -- FRJ, GMA News
