Nasabat ng mga operatiba ng gobyerno ang mahigit P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy bust operation sa Maynila nitong madaling araw ng Sabado.

Ang buy bust operation ay ikinasa sa isang bahay sa Zafiro Street, San Andres Bukid sa Sta. Ana, Maynila matapos makatanggap ng tip ang isang undercover agent ng pulisya, ayon sa ulat sa Balitanghali ni Vonne Aquino.

Nabilhan ng undercover agent ng pulisya ng 100 grams na shabu na nagkakahalaga ng P200,000 ang magbayaw na suspek na sina Noriel Brun at Marquel Cunanan.

"'Yung undercover agent natin, nagkaroon siya ng ... through the confidential informant nagkaroon po siya ng pagkakataon na ma-contact itong si Noriel kaya nu'ng nagkita po sila mismo du'n sa isang lugar, eh 'yun nga po, pinakita niya 'yung boodle money. Eh na-convince naman po itong si Alias Noriel na magkaroon ng transaction," ani Police Senior Inspector Delta Navarra, hepe ng Investigation and Intelligence Section ng National Capital Region Police Office-Regional Drug Enforcement Unit.

Inaresto ng mga awtoridad ang limang suspek. Bukod kina Brun at Cunanan, naaresto rin ang half sister ni Cunanan na si Rachel Abiva, at dalawa umanong runner na sina Francis Prudente at Michael Ramos na nahuli umanong bumabatak sa loob ng bahay. 

Dati nang nakulong sina Cunanan at Abiva dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga, ayon sa background check ng RDEU. Na-dismiss ang kanilang kaso noong Abril at nakalaya na sila, subalit nasa drug watch list pa rin sila ng RDEU.

Pitumpung gramo pa ng hinihinalang shabu at ilang foil ang nakumpiska ng pulisya sa dalawang sasakyan ng mga suspek.

Sa kabuuan, tinatayang aabot sa higit kumulang na P1,156,000 ang street value ng nasabat na hinihinalang shabu.

Ayon pa kay Navarra, nagbebenta umano ang mga suspek hindi lang sa San Andres, Sta. Ana, kundi pati sa Pasay at Makati.

Itinanggi naman ng mga suspek na nabilhan sila ng ilegal na droga.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —KG, GMA News