Pinatay sa saksak at hinihinalang ginahasa ang isang babaeng naglalako ng imahen ng Sto. Niño sa Davao City.

Sa ulat ni James Agustin sa "Saksi" nitong Martes, may saksak sa dibdib at wala nang damit pang-ibaba ang 49-anyos na biktima nang matagpuang patay sa gilid ng isang sapa sa Barangay Manambulan.



Ayon sa kinakasama ng biktima, naglako lang ito ng mga imahen pero hindi na nakauwi.

Ang nawawalang pantalon ng biktima ang naging susi para mahuli ang 18-anyos na suspek na si Carille John Capute.

Natagpuan daw ng mga awtoridad sa bahay ni Capute ang pang-ibaba ng biktima.

Itinanggi pa ng suspek ang krimen pero kalaunan ay inamin niyang napatay niya ang babae dahil sa kalasingan.

Kumatok umano ang biktima sa kanyang bahay at sinaksak niya ito dahil lango siya sa alak.

Mahaharap sa kasong robbery with homicide ang suspek dahil nawawala rin ang P6,000 ng biktima.

Ipapasuri pa ng mga pulis ang bangkay para malaman kung ginahasa nga ito. — Dona Magsino/DVM, GMA News