Nakagapos ang mga kamay at nakabalot ng supot ang ulo nang matagpuan ang bangkay ng isang batang babae sa ilalim ng lababo ng isang bahay sa Talisay City, Negros Occidental.
Ayon sa ulat sa Balitanghali Weekend sa GMA News TV nitong Linggo, inutusan lang umano ang 10-anyos na biktimang si Marchela Sayo na pumunta sa kanilang kapitbahay noong Biyernes ng gabi.
Hindi umano nakabalik agad sa bahay ang bata kaya't hinanap na siya ng kaniyang pamilya.
Sa kasawiang palad, patay na siya nang matagpuang nasa ilalim ng lababo ng kalapit na bahay na pinaparentahan ng kaniyang tiyuhin.
Hindi raw agad nakita ang bata dahil tinakpan pa ng batya ang katawan nito.
Timbog sa follow-up operation ang 17-anyos na caretaker ng bahay at ang nakatatandang kapatid nito.
Itinanggi naman ng mga suspek na may kinalaman sila sa krimen.
Isasailalim pa sa autopsy ang bangkay ng biktima para matukoy kung ano ang ikinamatay niya at kung ginahasa siya. —Dona Magsino/KG, GMA News
