Patay ang isang 63-anyos na lola at menor de edad niyang apo matapos silang pasukin ng magnanakaw sa kanilang bahay at pinagsasaksak sa Plaridel, Bulacan. Sugatin din pero nakaligtas ang isa pa niyang apo.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Sylvia Castil at apo niyang Cyreen Margarette San Pedro.

Nasugatan pero nakaligtas ang isa pang apo ni Castil na pitong-taong-gulang na lalaki.

Naghahanda umano ng almusal si Castil para sa mga apo nitong Lunes ng madaling araw nang biglang pumasok ang hindi pa nakikilalang salarin at pinagsasaksak ang maglo-lola.

Nagawa pang makatakbo palabas si Castil para humingi ng tulong sa mga kapitbahay pero kinalaunan ay nalagutan na ng hininga dahil sa mga tinamong saksak sa katawan.

Nakita naman ang magkapatid sa loob ng kanilang kuwarto na duguan din pero wala na ang salarin.

Isang kutsilyo na may dugo ang nakita ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen.

Aalamin ng mga awtoridad kung ito ang ginamit ng salarin, o nagamit ng mga biktima para idepensa ang kanilang sarili.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis para matukoy ang salarin na tumakas nang wala umanong natangay na gamit.--FRJ, GMA News