Nag-e-enjoy daw ang Kapuso sexy star na si Kim Domingo sa mga comedy project. Kabilang dito ang GMA series na "Toda One I Love," at may pelikula rin siyang gagawin na kasama si Super Tekla.

Sa Starbites report ni  Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing sumabak na si Kim sa taping ng bagong Kapuso rom-com series na pangungunahan nina Kylie Padilla at Ruru Madrid.

"Ay naku, masayang-masaya," bungad ni Kim nang kumustahin sa taping. "Nakita mo naman kanina, kuya, nagkakagulo kami. So parang ang gaan-gaan ng ano namin, na set namin."

Madalas na makakaeksena ni Kim sa serye sina Buboy Villar, Arvic Tan, at 'That's My Bae' members na sina Joel Palencia at Tommy Penaflor at si Archie Alemania, na gaganap na nobyo ni Kim.

"Ako dito si Vicky. Ang karakter ko dito may pagka-selosa ko na ano, na girlfriend. Tapos si Archie ang aking boyfriend. May-ari kami ng parang carwash, kami naglilinis ng mga trycicle," kuwento niya.

Samantala, sinabi ni Kim na magsisimula na rin siyang mag-shooting para sa bagong comedy movie na kasama niya sina Tekla, Derrick Monasterio, at Aiai delas Alas.

"Ako yung magiging girlfriend ni Tekla sa lalaki niyang ano, katauhan. Ako si Aning, ang pangalan ko du'n.  Yes, aning-aning, di ba?," natatawa niyang pagbahagi.

Nagpapasalamat si Kim na tuloy-tuloy ang kaniyang mga proyekto dahil ang kinikita raw niya ay napupunta sa ipinapagawa niyang bahay.-- FRJ, GMA News