Hanga si Mars Suzi Abrera sa asawa niyang si Paolo matapos ang isang insidente kung saan niligtas nito ang anak na babae mula sa matinding pagkakabagsak sa sahig.

Sa programang Mars, ikinuwento ni Suzi na limang taon noon ang panganay nilang si Leona nang maaksidente sa resort.

Bumagsak si Leona mula sa isang fireman's pole na pambata at tumama sa sahig ang puwit nito. Kahit may foam ang sahig, pakiramdam ni Leona ay nawalan siya ng hangin at tila nasikmuraan.

"Nag-ga-gasp na siya for air tapos para siyang nasikmuraan, 'yung feeling na sinikmuraan. So nag-gasp siya ng air na ganoon. So si Paolo kinuha siya," kuwento ni Suzi.

Buti na lamang, naalala ni Paolo ang karanasan ng masikmuraan kaya binitbit niya si Leona para makahinga.

"So si Paolo kinuha siya. Tapos, I think naalala kasi ni Paolo 'yung feeling na gano'n, hindi ko alam kung sa boxing or whatever. Nakaganu'n si Leona, lalo siyang hindi makahinga, So binuklat niyang (Paolo) ganoon, bitbit niya eh. So binuklat niyang ganoon 'yung bata tapos nakadaloy 'yung hangin sa kaniya. Pero juice ko, wala akong naigawa para makatulong!" saad ni Suzi.

Kinagabihan, saka lang nag-sink in kay Paolo ang nangyari sa anak.

"Noong gabing iyon, doon lang nag-sink in kay Paolo kung ano 'yung nangyari. Parang at the moment, gagawa, gagawa, pero nu'ng tahimik na ang lahat, nakatulog na ang mga bata, saka lang siya naging emotional about it. Grabe!" ayon kay Suzi. — Jamil Santos/DVM, GMA News