Isang call center agent sa San Jose Del Monte, Bulacan, ang napatay ng isang menor de edad na nagsabing may "phobia" raw siya sa bakla, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.

Ayon sa 17-taon-gulang na suspek, pinagpapalo niya ng kahoy ang ulo ng biktima na kinilalang si Domingo Piañar matapos siya nitong puntahan sa kanyang tinutuluyan noong Linggo ng gabi at pagyayakapin.

"Nakahiga ako noon, umupo siya doon sa ano ko. Ngayon tumayo ako kasi naiilang ako sa kanya. Tumayo ako dun. Pagtayo ko, bigla akong niyakap. Tinulak ko naman," sabi ng suspek.

"Tapos mamaya-maya, niyakap na naman ako. Doon na nagdilim paningin ko," dagdag pa niya.

Ayon sa suspek, may phobia siya sa bakla dahil "napagsamantalahan" siya noong bata pa siya.

Sa kabila ng kanyang pag-amin, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya, at partikular na titignan nila ay kung may naging relasyon ang biktima at suspek.

"Titignan natin na motibo, baka may relationship sila at nagkataon na nagkaroon sila ng pagtatalo, nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan," ani Police Lieutenant Colonel Orlando Castil Jr., hepe ng San Jose Del Monte Police.

Nadakip ang suspek matapos ituro ng isang saksi.

Ayon kay Castil, nahuli ang suspek gamit ang motorsiklo na pag-aari ni Piañar. Bukod sa motorsiklo, nakuha rin mula sa suspek ang cellphone ng biktima.

Hindi naman makapaniwala ang ina ni Piañar sa malagim na sinapit ng anak.

"Sana naman di niya pinatay yung anak ko. Yan na nga lang inaasahan namin na makatulong sa amin. Sinayang lang niya buhay ng anak ko," sabi ni Olga Atendido Piañar.

Nananatili naman sa kustodiya ng San Jose Del Monte Police ang suspek na nahaharap sa kasong robbery with homicide. —KBK, GMA News