Nagpasalamat ang bagong Kapuso na si Clint Bondad kay Jennylyn Mercado, na naging daan daw para tuluyan siyang makapasok at makapagtrabaho sa GMA Network.

"Well sa akin naman, 'yung dahilan kung bakit nandito ako sa GMA talaga is, I just want to say, thank you talaga kay Jennylyn kasi ikaw talaga ang dahilan kung bakit nandito ako sa GMA," inihayag ni Clint sa media conference ng Love You Two sa GMA Network nitong Huwebes.

"'Yun na nga, nakapasok ako sa GMA dahil sa Dear Uge episode natin noon, 'di ba?"

Ang tinutukoy ni Clint ay ang "Kuha Kita" episode na ipinalabas noong Nobyembre 18, 2018, kung saan nakatambalan niya si Jennylyn.

"So 'yung experience ko diyan sa Dear Uge, iniisip ko 'Ay, ang ganda naman ng GMA dito, puwedeng-puwede pala. Cool-cool pa si Jennylyn at siyempre, nagustuhan ko 'yung buong team," saad pa ni Clint.

"So for me naman, I’m always excited naman sa lahat ng mga binibigay sa akin, pero ito naman, mas excited pa ako dito kasi masaya ako dito talaga."

Ang tele-pelikula na Love You Two ang bagong proyekto ni Clint, na pagbibidahan nina Jennylyn Mercado at Gabby Concepcion.

Gagampanan ni Clint ang karakter ni Theo, boyfriend ni Raffy (Jennylyn) na iiwan siya nang dahil sa career.

Ipalalabas na ang Love You Two sa Abril 22 sa GMA Telebabad. — MDM, GMA News