A whale made of plastic is on display at the Cultural Center of the Philippines grounds as a reminder for people to stop using plastic. PHOTO BY GMA NEWS' IAN CRUZ
A whale made of plastic is on display at the Cultural Center of the Philippines grounds as a reminder for people to stop using plastic. PHOTO BY GMA NEWS' IAN CRUZ

Sa unang tingin, parang may isang umano'y duguan at patay na balyena ang makikita sa front lawn ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Pasay City.

Ngunit, ito ay gawa pala sa mga basurang plastic na obra ng creative director ng Dentsu Jayme Sayfu na si Biboy Royong.

May habang 78 talampakan at taas na 10 talampakan ang obrang tinaguriang 'Cruf of the Dead Whale.'

Ipinapakita sa obra na namatay ang balyena dahil sa nakaing mga plastic sa dagat.

Ang hangad ng artist, magulat ang mga tao at dumaraang motorista na may patay na balyena sa harap ng CCP.

Pati na ang maraming shares sa social media para magtanim ng disiplina laban sa walang habas na pagkakalat.

“Paunti-unti maliit na bagay kahit di ganoon karaming tao nakakita. Siguro maswerte ako maswerte kame na kasama ko na  gumawa nito na napansin siya ng buong mundo,” ani Biboy royong, ang may gawa ng obra.

May baby whale din sa sinapupunan ng balyena, sinisimbulo raw nito ang mga millennial at mga susunod na henerasyon.

"Yung baby na to na di ba naranasan ma-enjoy yung lumangoy sa dagat, mabuhay ng payapa, ma-enjoy yung buhay balyena. Paano kung dumating yung araw na yung mga bagong henerasyon mga tao. Di na nila ma-experience kung ano yung blue whale at lalong masam kung wala na silang ma-eexperience na blue ocean," sabi ni Royong.

Ang tampok na public art installation, bahagi raw ng pakiisa ng CCP sa pagdiriwang ng Earth Month.

Napapanahon nga raw ang pagdi-display ng taghoy ng balyena lalo't kaliwa't kanan ang ginagawang paglilinis sa mga karagatan kasama na ang Manila Bay.

Bahagi talaga ng Manila Bay ang CCP Complex bago it ni-reclaim noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

"And isa sa tungkulin ng sining o art ay makapagbago rin ng attitude ng mga tao. Makapag-impluwensiya ng values ng tao and sa pagkakataong ito sa pagtingin natin at pag-respeto sa Inang Kalikasan," paliwanag ni Chris Millado, CCP vice president and artistic director.

Ilang artista na rin daw ang nais makipa-collaborate sa CCP habang naka display ang obra.

“May ibang artist na gustong mag interact kaya meron na kaming natanggap na tawag sa ibaat ibang dancers visual artist, photographer kung pwede silang makipag interact,” anya.

Tatagal ang display hanggang sa katapusan ng Mayo. — BAP, GMA News