Dalawa umanong tulak ang arestado sa Maynila nang sumemplang ang sinasakyan nilang motorsiklo habang tumatakas sa mga humahabol na mga pulis, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita nitong Lunes.

Sa kahabaan ng Pureza Street sa Sta. Mesa, makikita sa mga kuha ng CCTV na hinahabol ng mga pulis sakay ng tatlong motorsiklo ang magkaangkas na mga suspek.

Umabot ang habulan hanggang Ramon Magsaysay Boulevard kung saan nahuli ang dalawang suspek nang sumemplang ang kanilang motorsiklo.

Hinabol ng mga pulis sina Gaudencio Semacon at Enrique Vengero nang tumakas ang mga ito matapos nilang matiyempuhan ang abutan ng hininilang shabu ng dalawa sa kanto ng San Jose at Pureza Street.

“Ide-deliver nila yung shabu. Halimbawa, kung may order, pupuntahan nila, iaabot nila dun. So wala na silang cellphone, hindi sila gumagamit…kasi dun namin sila nahuhuli minsan,” sabi ni Captain Edwin Fuggan, hepe ng Lacson Police Community Precinct.

Dahil sa pagkakasemplang, nagtamo ng sugat sa binti at tuhod ang mga suspek.

Bagama't nakuhaan ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu, todo tanggi ang dalawa na nagbebenta sila ng droga.

"Bumili lang po kami ng shabu…Hindi po [ako nagtutulak],” sabi ni Vengero.

"Bumibili po ng shabu… Ano lang po kasi, nalasing na kami nung gabi na yun. Para ma-ano lang po yung ano ng alcohol po," sabi naman ni Semacon. —Joviland Rita/KBK, GMA News