Present sa premier ng kanilang kauna-unahang horror film na "Banal" ang Kapuso love team na sina Miguel Tanfelix at Bianca Umali. Kuwento nila, hindi naging madali ang pagsu-shoot nila ng pelikula na batay sa tunay na pangyayari.


Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing kasama rin sa pelikula sina Kim Last, Taki at Andrea Brillantes.

Kompleto naman ang cast ng pelikula sa kanilang premiere night at nandoon din ang "Kara Mia" leading man na si Paul Salas at si APT Chairman Antonio Tuviera.

Ang "Banal" ay kuwento ng magbabarkada na umakyat ng isang misteryosong bundok para maghanap ng kakaibang adventure pero peligro ang kanilang kinaharap.

Ipinagmamalaki ng "Sahaya" stars na sina Miguel at Bianca na hindi raw typical Pinoy horror movie ang "Banal."

Physically and emotionally draining daw ang kanilang shoot pero worth it naman daw ang kanilang pagod nang mapanood nila ang trailer nito.

"Hindi lang isa, hindi lang dalawa, pero yung lahat ng eksena na ginawa namin para sa pelikulang ito kaabang-abang," sabi ni Bianca.

"Ang pinaka-dapat niyong abangan diyan is based on real events itong nangyari sa movie," dagdag naman ni Miguel.

Bukod sa katatakutan, marami rin daw matutunan sa pelikula lalo na ang mga millennial at Gen Z.

"Abangan niyo diyan yung mga lesson na matututunan ninyo," sabi ni Taki.

Saad naman ni Kin, "Yung pagsasamahan namin makikita mo yung development ng characters throughout the movie."

Palabas na ngayon sa mga sinehan ang "Banal."-- FRJ, GMA News