Nasabat ng otoridad ang ilang kilong shabu na may halagang P700,000 mula sa dalawang arestadong suspek sa isang hotel sa Makati, ayon sa ulat ni Jam Sisante-Cayco sa Unang Balita nitong Lunes.
Ayon sa awtoridad, nakakalusot daw ang iligal na droga sa security scanner ng hotel dahil isinisilid daw ito ng mga suspek na sina Warrick Lemeuel Tan Ngo at John Ivan Santiago Breva sa loob ng mga brown envelope.
Dagdag pa nila, parokyano ng dalawa ang mga partygoer na nakatira sa mga high-end condominium at hotel.
Tumanggi na magbigay ng pahayag ang mga suspek.
Nahuli na noong 2014 si Ngo dahil din sa iligal na droga, habang si Breva naman ay nahuli noong 2011 at nakalaya noong 2014, pero nahuli ulit siya noong 2015 dahil bumalik daw ito sa iligal na gawain.
Pinayuhan naman ni Gregorio Pimentel ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Special Enforcement Service ang mga partygoer na gumagamit ng iligal na droga na sumuko at sumailalim sa rehabilitasyon.
Ayon sa kanya, may hawak nang impormasyon ang mga awtoridad para sila ay tugisin. —Joviland Rita/KBK, GMA News
