Arestado ang isang babaeng nanloloko umano ng mga negosyante sa Cubao, Quezon City matapos siyang matukoy sa social media ng pinagbilhan niya ng panindang bag na biniktima rin pala niya noon.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Unang Balita," sinabing nadakip ng mga tauhan ng CIDG sa isang mall bandang 5 p.m. noong Martes ang suspek na si Maria Arleth Buenconsejo, 34-anyos, na taga Marulas, Valenzuela City.

Isinaad ng mga awtoridad na mga negosyante ang binibiktima ni Buenconsejo, at bigla na lamang na mawawala at hindi nagbabayad kapag nakakuha na ng malaking halaga ng pera.

Matagal na aniyang pinaghahanap ng mga biktima ang suspek, hanggang sa mag-post ang isa sa kanila ng paninda niyang bag sa Facebook.

"Bigla siyang nag-comment sa akin, sabi niya 'Available pa po ba?' Sabi ko naman 'Yes.' Pag-reply ko ng yes, nakita ko 'yung name, parang pamilyar sa akin," sabi ng biktimang si "Berna," hindi tunay na pangalan.

At nang tingnan ni "Berna" ang profile ni Buenconsejo, dito na nila nalaman ng kaniyang asawa na ito rin ang babaeng nanloko sa kanila noon.

Hindi raw sila binayaran ni Buenconsejo ng aabot sa P400,000 na election T-shirts.

"Tinatakot niya kami, kami pa 'yung tatakutin niya, kami pa 'yung idedemanda niya, kami pa 'yung hihingan niya ng danyos pero lahat ng pera nasa kaniya," pahayag ni Berna, biktima.

Biniktima rin ni Buenconsejo si "John," na kinuhanan umano ng halos P5 milyon na halaga ng mga bakal at semento.

Nang magbayad ang suspek ng P1 milyon kay John, hindi na ito muli pang nagpakita.

"Gusto ko rin kahit papaano makakuha ako kahit konti nang makabayad din ako sa ibang pananagutan ko. Talagang nalumpo ako nu'n, biruin niyo apat na milyon," sabi ni John.

Ngunit nang magkaharap sila ng suspek, hinamon ni Buenconsejo ang biktima na magsampa ng kaso para malaman kung sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo.

"Kung totoo 'yan sir na hinahabol mo sa akin, go ahead sir mag-file ka ng case sa akin, haharapin ko nandito na ako sir eh," sabi ni Buenconsejo.

"Hindi ako sinungaling na tao. Kung ako ay sinungaling na tao naghirap na siguro ako sa ginawa mo sa akin... Sa labing dalawang taon kong pinaghanapbubayan ko sa abroad, ginawa mo sa akin to," ayon kay John.

Haharapin aniya ni Buenconsejo ang lahat ng mga reklamo sa kaniya para patunayan ang kaniyang pagiging inosente at biktima lamang din siya ng mga hindi magagandang karanasan.

"Inaamin ko naman po na meron akong mga pagkakautang, pero wala sa lingid sana na manloko, nangyari lang po is may nakaraan akong kaso na hindi ko ginusto. Bata pa po ako nu'n na nadamay ako sa isang kaso, illegal recruitment, ako po ang nagbayad, hanggang ngayon dala-dala ko po," anang suspek.

Idiniin din ni Buenconsejo na hindi porke may mga kaso siya noon ay hindi na siya puwede magbago.

Ngunit nanawagan ang mga biktima ng agarang hustisya sa panloloko umanong ginawa ni Buenconsejo sa kanila. —Jamil Santos/LBG, GMA News