Nasawi ang isang PDEA agent matapos humantong sa engkuwentro ang isinasagawang buy-bust operation sa tatlong suspek sa Ipil, Zamboanga Sibugay. Ang mga salarin, napatay din ng mga awtoridad.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang PDEA agent na si Jack Roland Bastatas.

Lumabas sa imbestigasyon na nakahalata ang mga drug suspect na mga operatiba ang kanilang ka-transaksyon kaya sila namaril.

Napatay din sila nang gumanti ang mga kasamahan ni Bastatas.

Nakuha sa kanila ang nasa 136,000 halaga ng umano'y shabu at drug paraphernalia.

Samantala sa Naga, Camarines Sur, nasabat ang nasa P4.3 milyong halaga ng umano'y shabu sa dalawang mga big time na tulak.

Kinilala ang mga suspek na sina Jamaica de la Cruz at Yuner Inda, na una na ring nakuhaan ng P50,000 halaga ng hinihinala ring shabu.

Hindi na nagkomento pa ang mga naarestong suspek.

Nasabat din ang nasa P800,000 halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang bahay sa Bacolod City.

Sinasabing pagmamay-ari ito ng mag-asawang Randy at Duckin Hamantoc na kapwa subject ng search warrant. Hindi na rin sila nagsalita.

Arestado sa Santa Rosa, Laguna, ang 40-anyos na si Jose Diesta matapos mabilhan ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation.

Tumangging magbigay ng pahayag si Diesta. —Jamil Santos/NB, GMA News