Simula sa Miyerkules, tataas na sa P11 mula sa kasalukuyang P9 ang minimum na pasahe sa mga e-jeepney. Pero ang ilang driver ng e-jeepney, may pangamba.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing ang dagdag-pasahe ay base sa Memorandum Circular 2019-61 na inaprubahan ng Land Transportation Franchising ang Regulatory Board (LTFRB).

Sa naturang memorandum,  nakasaad na dapat na mas mataas ng 20 porsiyento ang minimum na pasahe sa e-jeep kaysa karaniwang pampasaherong jeepney.
Mas komportable ang sumakay sa mga e-jeepney dahil maluwag, may aircon at CCTV pa.

Pero sa ngayon, kaparehas lang ng mga pangkaraniwang pampasaherong jeep ang pamasahe sa e-jeep.

Bukod sa magiging P11 na ang pasahe sa mga e-jeepney, madadagdagan din ng 20 porsiyento ang pasahe sa succeeding kilometers ng mga e-jeepney na air-con.

Paliwanag nila, bagaman hindi gumagamit ng gasolina ang mga e-jeep, mas mahal daw ito kaysa mga pangkaraniwang jeep at mas magastos ang maintenance.

Bagaman inuunawa ng mga pasahero ang pagtaas ng pasahe sa e-jeepney, nangangamba naman ang tsuper nito na baka mabawasan ang mga pasaherong tumatangkilik sa kanila.

"Siyempre wala naman gaganahan sumakay kung tataasan mga pamasahe," anang isang tsuper.

"Kung tataasan pa lalo yung pamasahe e 'di maaring tataas din boundary namin kasi boundary system," sabi naman ng isa pang tsuper. --FRJ, GMA News