Virgilio Calinag, isang pedicab driver, hirap kumita sa gitna ng enhanced community quarantine pero ngayon makakapaguwi daw siya ng kwarenta pesos. PHOTO BY KATRINA SON
Virgilio Calinag, isang pedicab driver, hirap kumita sa gitna ng enhanced community quarantine pero ngayon makakapaguwi daw siya ng kwarenta pesos. PHOTO BY KATRINA SON

Naabutan ng GMA News ang grupo ng mga pedicab drivers na ito sa Pandacan sa Maynila na nagsasalo-salo sa pagkain.

Pinaghatian nilang tatlo ang dalawang pirasong galunggong at dalawang takal ng kanin.

Ito na raw ang ginagawa nila ngayon para makatipid dahil wala masyadong pasada dulot ng enhanced community quarantine.

Sinubukan naman daw nilang huwag bumiyahe ngunit gutom raw ang inabot ng kanilang mga pamilya lalo pa at sa araw-araw na kita lamang nila sila umaasa.

Si Erwin Dumalag hindi na raw alam kung saan pa kukuha ng ipapakain sa kanyang pamilya.

Ayon kay Erwin pagpepedicab lamang daw ang alam niyang gawin kaya hindi na nya alam kung paano pa sila mabubuhay gayong wala pa silang natatanggap na ayuda mula sa lokal na pamahalaan.

“Ito lang po ang hanapbuhay namin bilang nag sa-side car kase po nag sa-side car lang po kami eh san pa po kami kukuha hindi naman po kami pwedeng magnakaw o mangholdap para ipakain sa pamilya namin pumaparehas lang po kami ngayon."

Ang kasamahan naman nyang si Virgilio Calinag uuwi raw ngayong araw na may baong kwareta pesos.

Masaya na raw sya na may kwarenta pesos lalo pa nuong mga nakaraang araw ay ni singko wala syang maiuwi.

Ang perang Ito raw ang gagamitin nilang pambili ng bigas at sardinas na paghahatian ng kanyang mga anak at ilang kamag anak.

“Syempre iasa mo sa sarili rin namin maam tama mali maam, mangangtawiran din naman kami pag di kami naghanapbuhay anong kakainin ng pamilya namin."

Damang dama na raw nila nag hirap kaya naman kahit bawal na daw ang pagpepedicab ay araw araw pa rin silang nakikipaglaban para mabuhay.

Dagdag pa ni Erwin Dumalag “ginagawa namin lumalaban nalang po kami ng parehas kahit anong bawal talagang sumasabak pa rin kami."

Ganito rin ang hinaing ng ilang mga jeepney drivers na na wala na raw kinikita.

Sana raw ay mabigyan na sila ng ayuda ng lokal na pamahalaan.

“Mag antay nalang ng grasya kung sino ang magbibigay."

Ang iba di bale na raw na sila na ang magutom huwag lang ang kanilang mga apo at anak

"Sa mga apo mo nalang dahil yung mga bata diba kase matatanda nakakapagtiis pa eh basta mapakain lang yung mga bata."

Kaya naman panawagan ng ilan nating mga kababayan.

Sana raw ay mas bilisan ng mga local government unit o LGU ang pamimigay sa kanila ng ayuda lalo pa at wala silang pinagkakakitaan. Araw araw ay lumalaban daw sila para mabuhay  kaya naman  sana ay bigyang pansin din sila. -- BAP, GMA News