Matagal na raw na nasa isipan ni Alessandra de Rossi ang kuwento ng "Through Night and Day," na nakita rin daw niyang paraan para matupad ang pangarap niyang makapagpakalbo.

"Siguro mga 19, 20 years old ako. Hawak ko na siya tapos sabi ko, gusto kong gamitin 'tong story na 'to para makapagpakalbo ako one day. 'Yun talaga 'yung pangarap ko kasi," kuwento ni Alessandra sa GMA News "Unang Hirit" nitong Martes.

Ikinuwento rin ni Alex na siya dapat ang magsusulat ng script ng "Through Night and Day."

"Ako dapat talaga 'yung magsusulat kasi story ko talaga siya. Kaya lang sa sobrang busy ko nu'n sa soap ko, nu'ng tinawagan ako ng co-producer ko na, 'O ano na? Nasaan na 'yung script?' Sabi ko, 'Naku hindi na kaya,'" anang aktres.

"Ang ginawa ko, ikinuwento ko du'n sa best friend kong writer. Sabi ko, 'Sige isulat mo na tapos ako na lang magdi-direk,'" pagpapatuloy ni Alex.

Namangha naman si Alex sa naging resulta ng script, kaya nagpahanap na rin siya ng direktor para hindi na masira ang kuwento.

"Tapos nu'ng nakita ko 'yung script niya, bilang totoong script writer na 'yung sumulat, 'Hindi ko yata carry ito!' Magpahanap kayo ng ibang direktor 'yung marunong din talaga, mamaya masira ko 'yung script," natatawang pagbahagi.

Bukod sa mga leading lady at leading man, co-producers din sina Alessandra at Paolo Contis ng "Through Night and Day."

Inilahad ni Alessandra ang sa tingin niya na pagkakaiba ng mga pumatok niyang pelikula na "Kita Kita" at "Through Night and Day."

"Feeling ko lang parang malayo sila sa formula, laging may laging flavor na nandoon. At ito na naman po tayo, ang leading man natin at leading lady ay mga hindi itinuturing na leading man at leading lady. Tapos nagda-drama silang dalawa and then naiiyak kayo sa kanila. So feeling ko 'yun 'yon," sabi ni Alex.

Naging big hit sa Netflix Philippines ang "Through Night and Day" na unang ipinalabas sa mga sinehan noong 2018 pero hindi masyadong napansin.--Jamil Santos/FRJ, GMA News