Isang truck driver ang pinaluhod, pinosasan at tinutukan ng baril ng isang patrolman matapos itong magbarikada kasama pa ang ibang kapwa trucker sa Mabalacat, Pampanga exit ng Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEx) nitong Sabado.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras" Weekend, sinabing ang pagpoprotesta ng mga trucker ay bunga ng mahigit dalawang buwan nang hindi pagpayag sa kanila na bumiyahe sa North Luzon Expressway (NLEX).
Ayon sa truck driver na humiling na huwag ihayag ang tunay niyang pangalan, kapaparada pa lang niya nang lapitan siya ng isang guwardiya ng SCTEx Patrol.
"Pinagtulungan ako ng tatlong guwardiya kasama 'yung isang patrol. Nu'ng nagpumiglas ako, nakalayo ako sa kanila then hinabol ako. Sinalubong ako ng isang patrol pa, tapos 'yun na po 'yung patrol nakatutok sa akin ng baril," anang truck driver.
Pinakawalan ang trucker nang makipag-usap na ang kaniyang amo sa SCTEx Patrol.
Ipinagtaka ng grupo ang ginawang panghuhuli ng SCTEx Patrol dahil pumarada sila sa MacArthur Highway at hindi mismo sa NLEX-SCTEx.
"'Yung mga kasamahan kong driver at pahinante rin, noong gusto akong tulungan kasi nga napaupo ako kasi pinagtulungan ako ng dalawang guwardiya tsaka isang patrol, tinry din nila pero 'yung isang guwardiya [nanutok] din ng baril," sabi ng hinuling truck driver.
Nasampahan na ng grave threat at grave coercion ang SCTEx patrol na nanutok ng baril sa driver at dalawang kasamahan nito.
Sinusubukan pa ng GMA News na kunin ang pahayag ang SCTEx management at mga nireklamo. -Jamil Santos/MDM, GMA News
