Sa kulungan ang bagsak ng apat na lalaki na binibiktima karamihan ang mga delivery rider at inaagaw ang kanilang mga motor para ibenta online sa Rizal.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing kabilang ang Palco Group sa mga kawatang talamak na nang-aagaw ng motor sa iba't ibang bahagi ng nasabing probinsiya.

Makikita sa CCTV ang mga suspek na sakay ng dalawang motorsiklo na kanilang tinangay kamakailan matapos makapambiktima.

Lumabas sa imbestigasyon na nambiktima sila ng dalawang delivery rider, at sinaksak pa nila ang isa pero nabuhay ito.

"Masyado na po silang nakasistema. Meron po silang tagapitas, tagabenta at taga-ayos ng papel," sabi ni Police Colonel Madelia Pedrezuela, provincial officer ng Criminal Investigation and Detection Group-Rizal.

"Sa lahat po ng mga naperhuwisyo namin sana po mapatawad niyo po kami," sabi ni Mark Plomantes.

"Bigyan niyo pa po kami ng isang pagkakataong magbago," anang suspek na si Jay-R Palco.

"Nadamay lang po kami, hindi po talaga kami carnapper. Nakapagbenta lang po kami ng nakaw na hindi namin alam," sabi ni Jomidel Alcaraz, itinuturong tagabenta online na taga-ayos ng papeles.

"Hindi po ako kasama riyan sir. Nakasama ko lang po siya noong nakapagbenta sila kaya nadamay din po ako," sabi ni Jerome Loyola, isa pang itinuturong tagabenta online na taga-ayos ng papeles.

Subject ng follow-up operation ang dalawa pa sa kanilang mga kasabwat.

Agad ding nabawi ng CIDG ang ilan sa mga motorsiklong tinangay ng mga suspek kamakailan. — Jamil Santos/VBL, GMA News