Batid daw ng La Union Provincial Government ang nararamdamang body discomfort and pain ng mga empleyadong kababaihan tuwing may buwanang dalaw.

Ito ang isa sa naging considerasyon sa ipinatutupad ngayon na dalawang araw kada buwan na menstruation privilege.

Sa ulat ni Joanne Punsoy sa GMA Regional TV “One North Central Luzon”,  sinabi sa executive order na maaring mag-work-from-home ang mga empleyado na may menstruation dalawang araw kada buwan.

Isa umano ito sa brainchild ng kasalukuyang gobernador ng probinsya na naging kauna-unahang babae rin na naging gobernador sa La Union. Bahagi na rin daw ito ng pagpapahalaga sa mga kababaihan.

“This is already implemented sa Spain na ang menstruation days ng mga kababaihan ay leave para sa Spain. Naisip niya ito, she tried to implement it here sa Provincial Government of La Union,” wika ni Rowan Joshua Dimaculangan, Information Officer ng La Union. 

Sa ngayon ay pinapalawig pa raw ang guidelines ng nasabing executive order na napirmahan noong nakaraang buwan. May form din daw na kailangang isumite ng mga empleyado para sa nasabing work-from-home arrangement.

"Kapag nagkakaroon ng period days, unbearable ang feeling. Hind a siya nakakatrabaho o hindi naibibigay ang 100 percent. Ang terminology is a privilege not yet a leave. Privilege, maaaring mag-apply at mag-arrange ng work-from-home arrangement,” paliwanag ni Dimaculangan.  

"That is essentially what we really want when we're experiencing physical difficulties that will really help us work efficiently,” ayon naman kay Gerrimel Hernandez, isang empleyado.

Samantala, sa ngayon ay pinapatupad pa lamang ito sa mga tanggapan ng Provincial Local Government ng La Union.

"With the hopes na maganda ang implementation, nakakatulong and sobrang marami ang nakaka-appreciate nito, hopefully magiging ordinance, hopefully i-lobby natin sa Congress para maging national law,” dagdag ni Dimaculangan.

Namamahagi rin ng menstrual kits sa mga empleyadong babae sa lugar. —Sherylin Untalan/NB, GMA News