Naghatid ng karangalan sa bansa ang isang 66-anyos na chess master matapos siyang maging International Chess Master nang magkampeon sa 2022 Asian Senior Chess Championship sa Auckland, New Zealand.
Sa 24 Oras Shorts, sinabing na tubong Talisay, Camarines Norte si Jose Efren Bagamasbad, na napabilang na sa listahan ng International Champion for Chess dahil sa kaniyang tagumpay.
"Galing ako sa delayed na 48 hours na flight. Talagang kulang na kulang ang tulog ko during that time. Wala akong maisip, parang salag lang ako nang salag sa mga binabatong atake ng kalaban ko, who is a girl, 72 years old," sabi ni Bagamasbad.
Taong 2021 pa gustong lumahok ni Bagamasbad sa nasabing palaro, ngunit hindi siya natuloy dahil sa pandemya.
Pero sa halip na panghinaan ng loob, mas lalong nagsanay si Efren para mahasa pa ang mga tira at depensa niya sa chess.
Bukod sa naiuwing kampeonato, third place rin si Bagamasbad sa New Zealand Open.
Sunod na tina-target ngayon ni Bagamasbad ang maging Chess Grandmaster.
Gusto rin ni Bagamasbad na sanayin ang apo na nahihilig na rin sa chess.
"Ang panalo ay wala sa edad, nasa tira 'yan. Kung kailangan mo ng magandang tira, kailangan mo ng training. 'Yung training, hindi 'yan magde-depend sa coach, hindi 'yan magde-depend sa teacher, nasa player 'yan," sabi ni Bagamasbad. — VBL, GMA News
