Pansamantalang itinigil ang face-to-face classes sa isang paaralan matapos itong malubog sa baha dahil sa walang tigil na pag-ulan sa Zamboanga City.

Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV Cagayan De Oro, sinabing ginawang evacuation centers ng mga inilikas na residente ang nasa 31 eskwelahan sa Zamboanga City dahil sa malawakang pagbaha.

Kinailangang gumamit ng mga bota ang mga guro sa Tugbungan Elementary School sa Barangay Tugbungan dahil hindi pa rin humuhupa ang baha sa 12 school building ng eskwelahan.

Nabasa ang learning materials na ginagamit sa pagtuturo, kabilang ang modules at libro ng mga guro.

Dahil dito, sinabi ng school principal na si Dr. Ronald Aba-a na hindi sila maaaring makapag-face to face classes hangga't hindi humuhupa ang tubig. Hindi niya rin muna pahihintulutang pumunta ang mga guro dahil maaari silang magka-leptospirosis.

Inilikas ang nasa mahigit 300 pamilya sa lungsod at kasalukuyang nananatili sa evacuation center.

Wala rin munang face to face classes sa Tetuan Central School, isa sa pinakamalaking paaralan sa Zamboanga City, matapos itong gawing evacuation center ng apat na apektadong barangay sa lungsod.

Mahigit 480 katao ang inilikas dito.

Pansamantalang magpapatupad ng modular learning at ibabalik ang face-to-face classes sa susunod na linggo. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News