Binaha ang isang bahagi ng Roxas Boulevard sa Pasay City matapos mabutas ang tubo ng Maynilad at bumulwak ang napakaraming tubig.

Iniulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles ng umaga na ang nasirang tubo ay nasa panulukan ng Roxas Boulevard at At Arnaiz Avenue.

Nagdulot ng lagpas-gutter na pagbaha sa lugar ang nabutas na tubo.

Mabuti na lamang umano at pansamantalang sarado ang naturang service road dahil sa on-going road rehabilitation, kaya walang naapektuhang motorista.

Sa oras ng pagbabalita, patuloy ang pagkukumpuni sa nasirang tubo at humupa na rin ang baha.

Dahil sa pagkabutas ng tubo, pansamantalang mawawalan ng supply ng tubig ang Barangays 179, 183, 190 at 176 ng lungsod.

Batay sa abiso ng Maynilad, mamayang mga alas-dose ng tanghali pa maibabalik ang supply ng tubig sa nabanggit na mga barangay. —LBG, GMA Integrated News