Ipagpapatuloy nila Paolo Contis at Isko Moreno ang pagbibigay ng tulong at saya sa tanghali matapos pumirma ng long-term contracts sa Eat Bulaga na pagmamay-ari ng TAPE Inc. nitong Sabado.

Sa naturang contract signing, present sa panig ng TAPE Inc. sina President at CEO Jon Jalosjos, Chief Finance Officer Bullet Jalosjos, at Atty. Maggie Abraham-Garduque.

Present naman sa panig ng Sparkle GMA Artist Center sina Sparkle Vice President Joy Marcelo at Senior Talent Manager Tracy Garcia.

Ipinagpasalamat nila Paolo at Isko ang pagtaas ng kanilang ratings, ayon sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.

“Taos-puso po ang pasasalamat namin sa inyo mga Kapuso. In return, Paolo and I, we are fully committed na bigyan kayo ng kakaibang Eat Bulaga,” sabi ni Isko.

“Historical talaga itong nangyari ngayon. This is the first time in 44 years that we’ve actually signed our hosts. So talagang ang ganda ng pag-uumpisa namin,” sabi ni Bullet.

“Excited din tayo para sa ibang Sparkle artists who are also with EB. Sana tuloy-tuloy,” sabi ni Marcelo.

Kaya naman aasahan ang marami pang good vibes na segment na magpapangiti at magpapaantig ng mga puso ng viewers sa tanghalian.

“I’m sure napapansin nila na marami nang natutulungan ang Eat Bulaga. It’s fresher, it’s happier,” sabi ni Paolo.

Pinaghahandaan na rin ng TAPE Inc. ang pagdiriwang ng ika-44 anibersaryo ng Eat Bulaga.

Nauna nang pinabulaanan ng TAPE Inc. ang ulat na hanggang katapusan na lang ng Hulyo ang "Eat Bulaga" sa GMA-7.

“It is with GMA, may contract kami until 2024, so we have a commitment to continue itong Eat Bulaga at magbigay ng saya at tulong sa mga tao, sa mga Kapuso natin, 44 years and beyond,” sabi ni Garduque.

Matapos umalis ang mga orihinal na host ng Eat Bulaga na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey De Leon, at iba pa, pumalit bilang mga bagong host sina Paolo, Buboy Villar, Betong Sumaya, Isko Moreno, at iba pa. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News