Wala nang buhay at may mga paso sa katawan nang matagpuan sa gilid ng kalsada ang isang aso na napaulat na nawawala sa Bacolod City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing hinala ng fur parent na si Ma. Kesiah Cordova na sinadyang pasuin ang Beagle niyang si Fancy gamit ang mainit na bagay gaya ng acetylene torch.

Hindi rin nakitaan si Fancy ng bakas na nasagasaan dahil wala itong mga sugat at dugo sa katawan.

Nawala si Fancy noong Hunyo 29, na nakatakas mula sa compound ng rescue shelter na inaasikaso ni Cordova.

Ipina-blotter na ni Cordova sa pulisya ang insidente.

Handang magbigay ng pabuya sina Cordova ng umaabot na ng mahigit P20,000 sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa suspek at sa insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News