Nais ibahagi ni Jelai Andres sa mga kabataan ang maling akala niya noon tungkol sa pag-ibig na mistula siyang nakulong sa "cycle" na masaya at umiiyak.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, inilahad ni Jelai na masaya ang buhay niya ngayon kahit wala siyang love life.

“Nasanay ako [noon] na masaya ngayon, next week iiyak ako. Masaya ulit ako, next month iiyak ulit ako. Akala ko ‘yun na ‘yung cycle eh. Tapos kapag okay na ulit kami masaya na ulit ako. May ganu’n eh, parang na-trap ka,” sabi ng vlogger-actress.

“Tapos noong bumitaw ako, sabi ko ‘Tama na, kailangan kong mahalin ‘yung sarili ko,’ doon ko nalaman na, ito pala Tito Boy ‘yung stable na pakiramdam, dire-diretso lang, masaya ka lang, walang umiiyak,” paglalahad pa ni Jelai, na sinabing buo at kompleto na ang pagkatao niya ngayon.

Dito raw nagsimulang gumaan ang pakiramdam ni Jelai tungkol sa kaniyang sarili.

“Doon ko nalaman na ‘Ay, nawala ‘yung sakit sa ulo, nawala ‘yung negativity. Hindi pala ganu’n ‘yun. Ito pala dapat ‘yung nararamdaman mo, dire-diretso lang na masaya ka lang. Wala po akong iniisip,” kuwento niya.

“Iniisip ko lang ano ‘yung isusuot ko bukas, kung ano ‘yung kakainin kong masarap, paano ‘yung pagkain ng mga aso at pusa ko,” pagpapatuloy pa niya.

Natuto rin si Jelai na piliin ang pagsubok na kaniyang haharapin sa buhay.

“Nawala ‘yung cycle na ang tagal mong, masaya ka, bukas hindi. Mali eh. Tinanggap ko siya na akala ko ganoon ‘yung love, hindi lang ‘Trial ito.’ May mga trial talagang dumarating, pero merong trial na nilalaban, meron ding dapat ipinamimigay mo lang kung saan siya nararapat,” saad niya.

Kung kaya naman para kay Jelai, mahalaga na magkaroon ng peace of mind pagdating sa pag-ibig.

“‘Yung love, regalo ‘yan sa atin ng Panginoon, ‘yung peace. Pero kapag wala ka nang peace of mind, sa natutunan ko, kahit ibinigay pa sa iyo ng Diyos itong taong ito, kapag nasira ang peace of mind mo, hindi Niya gusto ‘yun eh,” sabi pa ni Jelai na masaya rin sa pagkakaroon ng mga kaibigan katulad ni Buboy Villar na kasama niyang guest sa programa ni Tito Boy.

Pag-amin niya, may mga pagkakataong dinadala siya noon sa emergency room dahil sa mga sakit na nararamdaman niya dahil sa pag-ibig.

“Dati na-ER ako, talagang nangayayat ako nang sobra. So ang lesson dapat ngayon dapat mahalin mo ang sarili mo. Kasi akala mo mahal mo itong tao na ito, ‘yun na ‘yun. Hindi eh, dapat una mahalin mo ang sarili mo,” sabi ni Jelai. -- FRJ, GMA Integrated News