Nauwi sa krimen ang away ng magkapatid tungkol sa bahay matapos masaksak at mapatay ng isang lalaki ang kaniyang kuya sa Cebu City.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Roberto Astillo, 65-anyos, na dating militar.
Naaresto naman ang suspek na si Francisco Astillo, 59-anyos. Naninirahan ang magkapatid sa Barangay Apas.
Ayon kay Police Major Romeo Caacoy Jr., hepe ng Mabolo Police Station, dati nang may alitan ang magkapatid patungkol sa bahay.
Bago magtanghali nitong Huwebes, muling nagkainitan ang magkapatid na humantong sa pananaksak ni Francisco sa kaniyang kuya.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek. --FRJ, GMA Integrated News
