Lalaki na umano'y nagbabagsak ng iligal na droga sa mga estudyante sa U-Belt, arestado sa drug buy bust operation sa Maynila.
Sa kulungan ang bagsak ng isang 20 anyos na lalaki na umano'y source ng iligal na droga ng mga estudyante sa Maynila.
'Yan ay matapos ang ikinasang drug buy bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Sampaloc Police Station.
Ayon sa MPD, isang pulis ang nagpanggap na buyer ng droga.
Gamit daw ang limandaang piso, nagawang kumagat sa pain ang target at nakipagtransaksyon sa bahagi ng Algeciras street sa Barangay 484.
Kasama niyang nahuli ang isang 27 anyos na lalaki na umano'y kasabwat niya.
Nakuha sa kanila ang nasa limandaang gramo ng hinihinalang marijuana.
Ang kanila daw mga parokyano, mga estudyante sa University Belt or U-Belt.
Nabatid din ng pulisya na nahuli na noong nakaraang buwan ang mga kagrupo ng target dahil din sa pagbebenta ng iligal na droga.
Sinabi naman ng nanay ng target na naniniwala siya na inosente ang kanyang anak at posibleng tinaniman lamang.
Gayunman, ayon sa barangay officials, kabilang sa drug watchlist nila ang suspek.
Sa ngayon, ay nasa kustodiya ng Sampaloc Police Station ang mga suspek na tumangging magbigay ng pahayag.
Mahaharap sila sa reklamong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — BAP, GMA Integrated News

